Saturday, October 24, 2009

naman! naman!

Grabe na ito! Kakapanood ko lang ng tv patrol sabado at akoy nadismaya. Ano itong balita? Di lang nakakadismaya. Isang blogger ang nagsiwalat ng nangyayari sa loob ng warehouse ng DSWD. Inilathala niya sa kanyang blog "blog ni ella" ang nakita niya sa loob ng warehouse. Ang mga donasyon para sa ating mga kababayan na nasalanta ay naroon sa warehouse at nabubulok na. Isang salita, na pwedeng literal lang na nabubulok nga o nakatigil lang o di gumagalaw. Ano pa man ang gusto niyang pakahulugan, iisa lang paka ibig sabihin. Ang mga donasyon ay di pa nakakarating sa mga nangangailangan. Ano nga ba ang ibig sabihin ng relief? Hindi ba't kelangang kelangan. Panahon ang pinaguusapan, madalian. Ilang pamilya ang nagugutom dahil sa mga bagyong nagdaan, mga nawalan ng bahay at kung san san relokasyon napunta. Mga nangangailangan ng pagkain, gamot, o mahihigaan sa gabing walang matulugan. Tsk.tsk. Nakaimbak ang sangkatutak na pagkain, mga imported goods mula sa Europa, Japan at iba ibang bansa, donasyon na dolyar ang pinaguusapan, damit at kung ano ano pa, andon sa DSWD natutulog lang. Kelan nila ito ipapamahagi sa mga pamilyang ang iba ay halos di na kumakain at pumipila ng apat na oras para lang sa karampot na biyaya. Nakakapang gigigil nga naman. Kulang daw sa volunteer?? Ano bang katwiran yan! Ilang bag din ng lumang damit at ilang piraso ng relief goods ang pinadala ko sa isang convenience store na tumatanggap ng donasyon para sa DSWD. Ibig sabihin pala, malamang nakatambak lang hangang ngayon at di pa ito nakaabot sa pamilyang nasalanta. Aba, kung manonood ka ng balita, eh talaga namang di ka makakain, di ka makakatulog sa mga balitang ilang kababayan natin ang kalunos lunos ang inabot sa nagdaang bagyo. Bilang isang tao, pakiramdam ko, kelangang me gawin ako, kahit konteng paraan man lang sa lalong madaling panahon. Panahon ang usapan. Naman! Naman!

Thursday, October 22, 2009

weather weather lang

Ilang araw na mula ng huli kong ipublish ang bagyong kay "Lupit" na may lokal na pangalan na Ramil. Ilang araw na ding nananatiling nasa Pilipinas si Ramil, hihina, lalakas, hihina at lalakas ulit. Halos isang linggo ng nasa evacuation area ang mga pamilyang inaasahang tatamaan ng bagyo. Preemptive evacuation kumbaga para di magkumahog paglikas kung sakali bumagyo na. Pero ano ito at hangang ngayon ay andito pa rin si Ramil. Di makapagdesisyon kung dadaan lang baga o nagpapalakas pa o nagiisip kung lubos na ba o sapat na ang pinsala iniwan ni Pepeng. O dili kaya ay dininig ang panawagan na "Oratio Imperata," dasal ng sambayanan upang lumihis ang kalamidad sa bansa. Kahapon inaasahang tatama, Huwebes, Byernes at ang huli ay sa Lunes pa at bahagyang humina. Sa ibang lugar, Cagayan, Isabela, Batanes at iba pang lugar sa hilaga ay itinaas sa signal No.3. Ang mga tiga La Trinidad ay nagmadali sa pag-ani ng strawberry para lang maisalba ang natitirang anihin wala pa man sa tamang panahon. Ilang rubber boat na rin ang inihanda para sa pagbaha. Bakit nga ba ganon, parang magnanakaw na dumarating ang kalamidad, sa oras na mahimbing sa pagtulog ay don sumasalakay. At kung kelan nakahanda na ang lahat, saka naman sumisikat ang araw. Iisa lang ang pahiwatig, maghanda umulan man o umaraw. :)

Saturday, October 17, 2009

ang lupit

Di ko maiwasan hindi ito i-post, dahil na rin siguro sa nagdaang bagyo. Dati rati naman, diko pinapansin kung ano ang panahon, ke umulan, umaraw o bumagyo man. In short, wala ako pakialam. Ngayon, bawat taya ng panahon, sinusundan ko at palagay ko, di ako nagiisa, nakatutok ngayon ang sambayanang pilipino sa lagay ng panahon. At eto, eto ngayon, me bagyo pumasok na naman, at ang nakakagulat pa ay ang tanging pangalan, "lupit." o kay lupit mo kapalaran, laging sawi na lamang...
Mabuti na lang at pagpasok ng bagyo sa ating bansa eh binigyan na ng ibang pangalan. Ramil! Ramil naman. Naman! Naman!

Take me to the Philippines

Naglunsad ang Department of Tourism ng kampanyang "Byaheng Pinoy" upang palawakin at ipamahagi sa buong mundo ang ganda ng Pilipinas. Ang "Take Me to the Philippines" ay inawit ni Apol ng Black Eyed Peas. Mabuhay ka Apol! Isa kang tunay na Pinoy!

Tuesday, October 13, 2009

masdan mo ang kapaligiran

Tuesday, October 6, 2009

Si Pepeng, bubuwelta pabalik??

Ano itong balita ngayon? babalik ulit si Pepeng? U-turn pabalik sa Northern part ng Pilipinas? Kanina lang napanood ko ang balita na di pa umaalis si Pepeng, nanatiling malakas at di pa umaalis ng bansa, waring di pa nasiyahan sa pananalasa at ang bagyong si Quedan bagama't malakas ay di sila magsasanib pwersa bagkus ay dederetso ng Japan. Nakakagulat naman ang balita ngayon na bubuwelta pabalik ang bagyong si Pepeng. Paano na ang ating mga magsasaka na ngayon ay lugmok na lugmok na. Ano pa ba ang gusto ni Pepeng at babalik pa? Haaay, nalulungkot lang ako sa mga nasalanta, sa kabilang banda, agrikultura lang ang nasira, dasal ko na lang sana naman, sumikat muna ang araw, bigyan muna tayo ng konteng pagasa.

Saturday, October 3, 2009

Ang Bagsik ni Ondoy

Nakakapanlulumo ang pinsalang iniwan ng bagyong si Ondoy. Nagulat ang ang lahat sa di inaasahang kalamidad ng nagdaang Sabado. Anim na oras na walang tigil ang ulan na nagdulot ng matinding pagbaha. Wala ni isang nakapaghanda. Karaniwan na sa Manila ang ganitong baha ngunit di ko inaasahan na labis ang pinsalang idudulot ng bagyong si Ondoy sa ibang lugar. Lumubog ang Metro Manila at ilang karatig bayan. Iba-ibang dahilan at paninisi nariyan na ang sinasabing di wastong ulat ng PAGASA, na idinadahilan ay walang sapat na aparato upang matukoy ang dami ng ulan na babagsak, pagbabawas ng tubig sa dam, paninisi sa gobyerno at iba pang mga dahilan. Ngunit hindi ba't lahat tayo ay may pananagutan. Bakit nga ba nangyari ang ganitong kalamidad? Unti unti ng nasisira ang mundo na gawa na rin ng tao at hindi pinapahalagahan at inaalagaan ang binigay ng tadhana. Polusyon, pagtatapon ng basura, ang mga ilog at sapa na noon ay dinadaluyan ng tubig, ngayon ay pawang nangawala na. Hindi ba't kung ikukumpara natin sa ating mga ugat, di ba't mahalaga ang ginagampan nito sa ating katawan. Kung magbara ang isang maliit na ugat na daluyan ng dugo, magdudulot ito ng pinsala sa ating katawan. Katulad din ng nangyayari sa ating paligid, marami sa ating mga ilog at sapa ay tinambakan at tinayuan na ng mga gusali at kung hindi man ginawang tapunan ng basura. Kasabay ng pagunlad ay perwisyo sa kalikasan. Nariyan ang walang habas na pagputol ng puno, pagtatayo ng subdibisyon sa mga kabundukan.

Nakakapanlumo ang sinapit ng ating mga kababayan. Ang kalamidad ay di natin kayang pigilan. Ito ay tadhana. Ngunit kaya nating paghandaan at bawat isa ay may magagawa. Bakit nga ba nagkaron ng pagbabago ang panahon? Dahil na rin sa ibinubuga nating gas at polusyon na nagpapainit ng klima sa mundo. Mapapansin ang labis at kakaibang tag-init kaya't katumbas ng init na ito ay malakas din na paghigop ng tubig sa lupa na siya ring ibabalik sa kalupaan. Bawat isa sa atin ay may maitutulong upang maisalba ang mundong ating tahanan. Kung tuloy tuloy tayo sa pagtampalasan, maaaring higit pa sa Ondoy ang darating. Sa ngayon, balot pa ng takot ang naging biktima ng bagyo. Manatiling matatag nawa ang naging biktima ng bagyo. Ang mga pinoy ay mabilis bumangon sa lahat ng pagsubok. Sana naman di na muli pang maranasan ang isa pang Ondoy. Mangyayari ang lahat ng iyon kung pahahalagahan at mamahalin natin ang ating kalikasan.

Friday, September 11, 2009

Tagulan!

Ang bilis ng araw, Sabado na naman ilang araw na lang at Pasko na. Dumadaan na din ang gabing malamig, hanging amihan sabi nga nila. Nitong nakaraang araw, ulan at baha sa Manila ang iyong mamamataan. Nakakatuwa naman na kahit ganito ang panahon, makikita mo pa rin ang ngiti ng ilang mga Pinoy na sa kabila ng lahat, masaya pa rin. Nakalulungkot lang ang balita, mga pamilyang nasalanta at naapektuhan ng baha sa Pampanga at iba pang karatig na lugar. Tuluyan ng umalis ang bagyo subalit dalawang LPA naman ang paparating na posibleng maging bagyo na naman. Haaay, minsan masarap pag tagulan, masarap uminom ng kape, magluto ng sopas at tsamporado at matulog habang naririnig ang patak ng ulan. Ilang linggo na ang ganitong panahon, sana bukas paggising, masilayan ko na ang haring araw.

Monday, August 31, 2009

"Buwan ng Wika"

Muli, maraming salamat sa lahat ng sumubaybay dito sa blog kahit ilang buwan ko din hindi napagtuunan ng pansin ang pahinang ito. Sapagkat ngayon ay "Buwan ng Wika," nais ko ilathala ang ilan sa aking saloobin sa salitang Filipino. Di po eto seryosong lathain. :) Gusto ko lang magsulat ng bagay bagay nitong nakaraan.

Ang sarap gumising ng walang iniisip, malayo sa teknolohiya, malayo sa polusyon at sa lungsod na nakasanayan ko ng ingay. Ngunit di ko magawa ang umalis at magpunta sa isang isla, sa Palawan kaya, Batanes, Guimaras, Sagada at kung san san pa na gusto ko mapuntahan. Tanging sa imahinasyon ko na lang maisasakatuparan. Naiisip kong ipahinga ang aking isip. Isara ang celfone, ang internet, ang telepono.

Noong nakaraang linggo, dumaan ang araw na akoy namalagi dito sa loob ng bahay, sinubukan ko huwag mag-online. Nakakapanibago mabuhay ng walang telepono, internet at celfone, pero maari din palang mabuhay ng wala ang mga bagay na 'yon. Sumandali natahimik ang mundo ko, pero sa kabila ng lahat marami akong na-miss, mga pangyayari sa araw-araw, mga kaibigan, virtual at totoo, (wala naman yung pinagkaiba.) Bumagsak ang PR ko, nawala ang opportunity ko. Naiisip ko, ang mundong ito ang ginagalawan ko ngayon. At kung tuluyang mawawala, nakakalungkot, mahirap nga pala mawala ang naging kasama ko na sa buhay. Pansamantala lang pwede, pero kung tuluyang mawawala, mahirap nga. Pahinga lang talaga. Pahinga na wala namang totoong dahilan, gusto ko lang isipin na minsan, malayo ako kahit sa totoong buhay, andito lang. Ngunit kung tuluyan ng mawawala, paano nga kaya? ang mga balita, ilang araw bago ko malaman, ang sulat kelan darating? me oportunidad pa kaya darating, sa palagay ko wala na rin.

Sarap pagkatapos ng pahinga talaga. Haaay.. Nagbakasyon lang. Kung san ako nakarating, malayo. Isang isla ako lang at di pa narating ng sinuman.

Ang sarap maglahad ng damdamin sa ganitong wika. Diyatat ako ay may dugong makabayan nga. Teka, bakit nga ba Buwan ng Wika ang pamagat? Wala lang, dahil Agosto ngayon at Buwan ng Wika! Yun lang naman. :)